Friday, February 29, 2008

Sa Pag-aya

SA PAG-AYA
(a poem of addiction)

Natanaw kita sa paghaplos ng liwanag.
Nakangiti ka sa mundo, kaygandang mamalas.
Sangkalangita'y pinaging darangin sa galak.
Busilak na kalong ng araw ay pumilas.

Natanaw kita sa pag-ihip sa ilang.
Anino ng sutlang ganap ang paglutang.
Huni ng iyong karikta'y pumailanlang.
Tiwalag sa tambuli ng alinlangan.

Natanaw kita sa mga mata ng langit.
Nakasisilaw...nakabubulag...nakapupunit.
Nabanaag ko ang araw sa pang-aakit.
Ang lahat wari'y isang panaginip.

Natanaw kita sa aking pag-iisa.
Mukha mo'y waring nakasabit sa aking gunita.
'Di mapaknit sa niliyag na alaala.
Bumabalik ako sa tamis ng iyong pag-aya.

Natanaw kita sa aking mga ngiti.
Nakatanghod ka't wari'y batid sa pagkabuti.
Pikit-matang nananaginip na nasa iyong tabi.
Humihiling na makapiling kang muli.
Kahit sandali.
Kahit sa huli.

No comments: