Friday, February 29, 2008

Bakit May Mga Tala?

Bakit May Mga Tala?

Isang Alamat:
(para sa mga bata)
Nagsara ang kalangitan sa liwanag na maparam. Ginumon ng karimlan ang mata ng kalangitang bumubulay sa sintang pag-iisa. Marahang nanaig ang kadiliman na ipininta sa mga ulap. Kumudyapi ang huni ng ma ibon... pagtakas sa pagkabulag... paglisan sa kamunduhan. Ngunit, sa mariing pagtatalik ng dilim sa kalupaan, unti-unting naggitawan ang sanlaksang mga butil ng pakislap sa langit. Natatanaw mo ba sila? Saan ba sila nagmula? Bakit may mga tala?
Nang likhain ng Bathala ang Liwanag, di siya nakuntento sa idinudulot nito sa daigdig. Ito ay sa kadahilanang, sa lubos na kapangyarihan nito'y nasusugatan ang balat ng mundo. Natitigang din ang maraming bahaging karagatan sa kanyang dakilang pagdarang. Kung kaya, bumuo ang Bathala ng isang elemento na magbabalanse sa kapangyarihan ng Liwanag... tinawag niya itong Dilim.
Sa pagkakataong yaon, tinipon ng Bathala ang kanyang dalawang dakilang likha, ang Liwanag at ang Dilim. Matapos magsalo ng kanilang pagbati, binuksan ng Bathala ang usapin ukol sa kapangyarihan at limitasyon ng bawat isa. Nilingon niya ang kanyang paningin sa Liwanag at nagwikang,
"Ikaw Liwanag, sakdal ng kariktan, aking nilalang sa kataas-taasan, ay aking itinatalaga upang patnubayan ang umaga. Ikaw ang magsisilbing ilaw sa mga mata ng daigdig. Ikaw ang magdudulot ng kulay at karilagan sa timyas ng pagsabog ng kislap ng iyong kagandahan. Ikaw ang aking araw sa paghalik ng bukang-liwayway. Ikaw Liwanag ang buhay ng sandaigdigan."
Naulinig ng lahat ang winikang ito ng Bathala. Nagpugay ang daigdig sa kanyang nabatid. Ang Liwanag ay pinasalubungan ng maringal na pagsaliw ng musika ng mga anghel sa langit.
Sa kabilang dako, itinuon ng Bathala ang kanyang paningin sa Dilim. Ganito ang kanyang winika,
"Ikaw Dilim, aking nilalang sa kataas-taasan ay aking itinatalaga upang patnubayan ang gabi. Ikaw ang siyang magbabalanse sa kapangyarihang taglay ng Liwanag. Ikaw ang aking anino sa dapit-hapon. Ikaw ang pagkubli ng liwanag sa ilang. Ikaw Dilim ang kamatayan ng sandaigdigan."
Nang marinig ito ng lahat, hindi sila natuwa. Bagkus, itinakwil nila ang Dilim. Nagkaroon ng malaking kaguluhan sa daigdig na ikinagulat ng lahat.
"Pumayapa kayo!!!" mabigat na utos ng Bathala. Itinaas niya ang kanyang tungkod at itinuro sa Liwanag. Winika niya,
"Ikaw Liwanag ang magsisilbing aking kanang kamay."
Tumuon naman siya sa Dilim at nagsabing,
"Ikaw Dilim ay magsisilbing tagapaglingkod ng Liwanag. Ipinapaalala ko sa inyo, magkapantay lamang ang kapangyarihan ng bawat isa. Ang kamatayan ng Liwanag ay ang Dilim, at ang sa Dilim ay ang Liwanag. Ngayo'y itinatalaga ko na kayo bilang aking mga alagad."
Muli, nagpugay ang daigdig sa kaitaas-taasan.
Matapos iyon, sumuray sa ulirat ng Dilim ang mga salitang binitiwan ng Bathala. Naisip rin niya na hindi makatuwiran ang ginawang desisyon ng Bathala. Ngunit ang kanyang mga katanunga'y hindi na muli pa niyang inintindi, bagkus ay ginawa na lamang niya ang kanyang tungkulin.
Nang sumunod na pagsikat ng araw, nagmuni ang Liwanag sa kalangitan at sinabi sa daigdig,
"Itinatampok ko sa iyo ang kariktan ng Bathala. Pumayapa ka sa iyong pagmulat."
Naulinig itong lahat ng Dilim at nagsabing,
"Mayabang... napakayabang."
Simula noo'y namutawi sa kadiliman ang poot at pagkamuhi. Ang galit na ito'y bumagabag sa kanyang katauhan at nagdulot ng pag-iisip ng mga masasamang bagay.
Nang isang pagkalat ng dilim sa kalupaan, napansin ng Dilim na hindi na siya binibigyang-halaga ng daigdig di tulad ng pakikitungo nito sa Liwanag. Nang dahil dito, ang poot na sa kalooban niyang matagal nang nagkubli'y umusbong at nabigyang-kaganapan. Inilabas niya ang kanyang mga hinanakit at nagwikang,
"Ikaw Liwanag, higit kang nakatataas. Anupa't dala mo ang kariktan ng Bathala. Mapagmataas ka!"
Matapos ito marinig, nagulat nang husto ang Liwanag, sapagkat para sa kanya'y wala siyang ginagawang kahit na anong masama. Hindi alam ng Dilim, narinig rin ng Bathala ang lahat ng kanyang mga binitiwang salita.
Muling nagpaulan ng mga salita ang Dilim,
"Isa kang mapag-imbot na kawal ng pag-aalinlangan at kasamaan."
Isinagot ng Liwanag,
"Aking kaibigan, iyong ipagpaumanhin ngunit hindi ko lubos maunawaan."
"Hindi mo maunawaan sapagkat wala ka sa aking kalagayan. subukan mo'ng danasin ang init ng alab ng pagtatakwil... subukan mo'ng umapak sa masalimuot na bubog... subukan mo na bumaba, maging dilim sa sumpungan."
"Ngunit?"
"Ikaw Bathala, bakit mo pa ako nilalang? Di ka makatarungan..."
Narinig na ng Bathala ang lahat ng dapat niyang mapakinggan. Natuos ang kanyang pagpipigil ng galit ngunit sumilakbo ang kanyang damdamin,
"Ikaw tampalasan, ipinagkaloob ko sa iyo ang pagkakataong mabuhay at danasin ang kaligayahan. Ngunit ano'ng iyong ginawa? Sa halip na gawin ang iyong tungkuli'y ang pinairal mo'y inggit, pagkamuhi at kasamaan. At ngayo'y ikinakapit mo sa aking pangalan ang iyong kahangalan? Dahil sa iyong kapusukan, ikaw ay nararapat na parusahan."
Itinaas ng Bathala ang kanyang tungkod at itinuro sa Dilim. Bilyun-bilyong mga anghel ang nagpaulan ng nagbabagang palaso sa kabuuan ng Dilim. Ang mga palasong ito ay nag-iwan ng maliliit at sali-salimuot na sugat sa kadiliman. ang mga sugat na ito'y nagtuklap at umusbong ang liwanag. Tinawag ng Bathala itong mga "tala". Sa kadahilanang ito'y mga "tala ng kaliwanagan".
Hindi na muling naghilom pa ang mga sugat sa katawan ng kadiliman. Ang mga ito'y nagsilbing tanda ng pagsisisi at pagbabalik-loob sa liwanag. Gayunpaman, ang poot na kanyang tinataglay ay tuluyan nang naglaho.
Bakit may mga tala? Marahil upang ipaalala sa atin na sa bawat dilim, mayroong liwanag... sa bawat kasamaan, may kabutihan... at sa bawat sugat, may paghilom.

No comments: