Friday, February 29, 2008

Kape

KAPE
POEM
Pinangarap kong maglaho sa ligalig.
Kainin ng lupa at malibing sa pag-ibig.
Nais kong pumanaw sa 'di pagkatigatig.
Kaluluwa ko'y sa liwanag manumbalik.

Sa dilim ako'y nag-isip nang marahan.
Hindi alintana minutong nagdaraan.
Pumikit ako't sumuray sa kawalan.
Kinatkat ang isipan na 'di maunawaan.

Sumulyap ako sa butil ng liwanag.
Natanaw ko ang lalaking sa sahol ay bihag.
Mukha niya'y 'di ko lubos mabanaag.
Nakapikit siyang marahan...waring isang bulag.

Tumindig ang lalaki't mga labi'y nangusap.
Iminulat ang mga mata at tumingala sa ulap.
Nagmakaawa siya sa akin sa pag-aapuhap.
"Nauuhaw ako...sa kapeng pinapangarap."

Noong gabing iyon, kami'y nagsalo...
tatlong litrong kape, sa aming lalamuna'y pumalo.
Naglalagablab sa sarap...sa labi'y pumapaso.
Tagay doon. Tagay dito.

Madaling araw na nang kami'y natapos.
Wala sa aming dalawa ang nais na matulog.
Mugto ang mga mata at sa umaga'y nahulog.
Napatingin ako sa lalaki sa pagtangis ng kulog.

Huli na nang malaman na ang lalaki'y ilusyon.
Nasa loob siya ng salamin...siya'y aking repleksyon.
Nalinlang ako ng sarili kong imahinasyon.
Sa butil ng liwanag, ako pala'y umaawit ng sariling pasyon.

Sa upuan ako'y napahawak nang mahigpit.
Ayaw ko pang matulog ngunit ako'y napapapikit.
Napahandusay ako sa saklap ng sinapit.
Ito ba ang katupran ng aking panaginip?

No comments: